Linggo, Setyembre 27, 2015

ANG PAPEL NA GINAGAMPANAN NG WIKANG FILIPINO SA MUNDO NG TEKNOLOHIYA: ISANG KONSEPTONG PAPEL




PANIMULA/KALIGIRAN

             Ang pagkakaroon ng wika ay nagbibigay daan sa pagkakaisa ng mga mamamayan at nagbibigay tulong sa pag-unlad ng iba’t ibang aspeto sa isang bansa. Ang sariling wika ay mahalaga at kinakailangan ng isang bansa, sapagkat ito ang ginagamit sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan ng bawat mamamayan. Gamit ang sariling wika, maipapahayag natin ang ating damdamin at saloobin sa ibang tao.Ito rin ang isang dahilan kung bakit may kapayapaan at pagkakaisa sa isang bansa. Ito ay kayamanan ng isang bansa, hindi ito matutumbasan ng ginto o salapi. Hindi rin ito mananakaw dahil ito ay sariling atin, ang dapat lang natin gawin ay mahalin at pahalagahan ito.


        Sa panahon ng makabagong teknolohiya, ang ating wikang Filipino ay napapagitnaan ng napakaraming wika mula sa ibang bansa, at minsa’y ang ibang wika ang pinapahalagahan kaysa sa ating sariling wika. Sa mundo ng teknolohiya, ang mga websites tulad ng Facebook, Twitter at Google ay maaari mo nang magamit sa wikang Filipino, kaya huwag nang mag-alala kung hindi makaintindi ng mga banyagang salita, gamitin na ang sariling wika. At sa paglalahad ng mga opinyon, balita, at mga nangyari sa iyong buhay, pwedeng-pwede mong gamitin ang wikang Filipino.


       Sa panahon ng makabagong teknolohiya kung saan mga iba’t-ibang lengwahe ang nangingibabaw, huwag mag-alinlangan, at ipaglaban ang nakasanayang wika – ang Filipino. Kaya nating maipagmalaki ang ating sariling wika  – saan man, kailan man, at sa napakaraming paraan. Gamitin natin ang wikang pambansa, maging ilaw man at lakas sa tuwid na landas, o susi sa pagka-Pilipino.


MUNGKAHING TITULO O PANGALAN NG GAWAIN 
       
 Ang Papel na Ginagampanan ng Wikang Filipino sa Mundo ng Teknolohiya. Ito ang naisip namin  na titulo para sa aming adbokasiya dahil sa aming pananaw ito ay makakapukaw ng atensyon ng iba pang mga mag-aaral o mamamayan na interesado sa mga ideya tungkol teknolohiya. Lalong lalo na sa panahon ngayon na kung saan ang teknolohiya ay laganap na bilang kasangkapan sa pakikipagkomunikasyon. Teknolohiya rin ang dahilan kung bakit napapadali ang ibang gawain.

RASYUNAL, MITHIIN AT MGA LAYUNIN 
        
    Ibinatay namin ang aming paksa sa aming kurso. Kami ay mag aaral na kumukuha ng kursong Management Technology na may kinalaman rin sa teknolohiya. Ito ang pinagkuhanan namin ng ideya para kami ay makabuo ng isang paksa o adbokasiya na makakatutulong upang maipaliwanag o maliwanagan sa tulong na nagagampanan ng ating wika sa teknolohiya.
        Mithiin namin na maging instrumento ang teknolohiya upang mapalaganap ang ating wika,hindi lamang dito sa ating bansa kundi pati na rin sa iba pa. At patuloy na mahalin at ingatan bilang sariling atin.
       Layunin ng konseptong papel na ito na lalo pang mamulat ang sambayanan, lalo na ang mga mag aaral, sa kahalagahan ng pagpapaunlad, pananaliksik at pagpepreserba ng wika gamit ang teknolohiya. Pati na din maging kasangkapan tungo sa karunungan at kaunlaran.Gamit ang teknolohiya, maipapahayag natin ang ating saloobin  sa ibang tao. At sa paggamit din nito maippalaganap natin ang Wikang Filipino, upang mahikayat ang iba na pahalagahan at mahalin ang sariling atin.
     

BENEPISYO AT INAASAHANG RESULTA

       Inaasahan namin na ang teknolohiya ang siyang makapagmungkahi na ipalaganap ang ating sariling wika. At sana ay maraming iba pang mag-aaral ang gumamit ng teknolohiya bilang paksa nila sa gagawin nilang adbokasiya dahil sa henerasyon ngayon ang teknolohiya ang isa na sa mga pangunahing kasangkapan ng mga tao sa pakikipagkomunikasyon
      
       Inaasahan din naming na maging maganda ang epekto nito sa ibang tao,hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa iba pang tao na malaki ang impluwensiya ng teknolohiya. Gusto nila mapadali ang kanilang gawain, at gusto din nilang pahalagahan ang Wikang Filipino at para na rin maikalat nila ang kahalagahan nito.
      
        Kaya rin nating makatulong para sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino. Ipakita at patunayan natin sa iba na minamahal at pinapahalagahan natin an gating wika. Kailangan lang natin magtiwala sa sarili natin, na kaya nating gawin yung mga bagay na sa una ay inaakala natin na hindi natin kaya. Gamitin natin ang ating talino at sariling pamamaraan kung paano natin ito magagawa sa tulong ng teknolohiya.